Unang Iyak, Habang Buhay na Saya
Ika-6 ng Mayo, tumigil ang mundo ko at binasag ng malakas na iyak ang aking pagka-tao dahil matapos ang siyam na buwan na paghihintay at pananabik, lumabas na si Kulasa, este si Mary Kaitlin.
Ganito ko natatandaan ang mga pangyayari:
April 26, 2014 – Nakahanda na ang mga gamit ni misis dahil sa mga panahong ito ay pwedeng pwede na syang manganak, pero May 7 ang target ng doktor. Ika nga nya, hinog na hinog na daw si baby sa May 7 although kung lalabas na sya before May 7 ay ok pa rin naman daw, emergency nga lang.
Lesson: As soon as nag 36 weeks na si Misis, dapat ready na ang mga gamit nyo para sa pangaganak.
May 5, 2014 – 2 araw bago ang inaasahan naming araw ng caesarean operation ni misis ay naadmit na sya sa ospital dahil sa diarrhea. Baka daw dahil sa suman na kinain nya nung umagahan. Kasalukuyan akong nasa Maynila, nagtrabaho at nakaschedule na umuwi ng May 6 ng gabi, pero dahil sa urgency ng sitwasyon, napauwi ako ng May 6 ng umaga. Baka daw kasi mapaanak na si Misis depende sa resulta ng ultrasound. Sa takot ko na manganak sya ng wala ako sa tabi nya ay nagfile na agad ako ng paternity leave at desididong uuwi na kinabukasan ng madaling araw.
Lesson: Wag na mag trabaho 2-3 days before manganak ang misis mo. Andyan lang ang trabaho at hindi yan matatapos. Ang priceless moments na pwedeng hindi mo maexperience ay habang buhay mong pagsisihan kung wala ka para makita iyon.
May 6, 2014 – alas singko pa lang ng umaga ay gising na ako at naghahanda na sa pag-uwi sa Tayabas, kasama kong uuwi ang Lola ni Kaite, ang aking Mama na before 5am pa lang ay nasa hintayan na namin. Nakaalis kami ng 530. Halos tatlong oras namin binagtas ang daan pauwi, diretso na kaming ospital dala ang aming mga damit. Mag 11 na ng umaga ng nagtext si doktora na mamayang 4PM ay ooperahan na si misis dahil bumaba na daw ang panubigan gawa ng diarrhea. Hindi pa butas ang panubigan at hindi pa rin naman malaki ang buka ng cervix na mga palatandaan na manganganak na ang misis mo pero medyo masama daw kasi pag bumaba ang panubigan kaya nagdecide na kami na ituloy na ang operasyon.
3:45PM dumating ang sundo na stretcher, parang eksena na sa pelikula ang mga sumunod na pangyayari. Ang daming tumatakbo sa isip ko, kasama ang senaryo na pipigilan ako ng doktor pagdating namin sa operating room habang nagpupumilit akong pumasok(Hindi to nangyari, sayang, acting na acting na pa naman ako). Hindi na rin ako nakapagpaalam sa misis ko dahil itinuloy na sya sa loob. At bumagal na ang oras, dahan-dahan ang takbo ng relo, hindi natatapos at yung feeling ng matatae ka sa paghihintay, totoong-totoo pala iyon. Habang naka-upo akong parang matatae, isang malakas na iyak ang bumasag sa katahimikan ng operating room. Ito ang iyak ng batang babago sa buhay naming mag-asawa. Ito ang iyak ng munti naming anghel.
Agad akong bumalikwas ng tayo upang silipin kung anak ko nga ba iyon habang nangingilid ang luha sa aking mga mata. Nanginginig akong sumilip at nagtanong sa nurse, “Iyan na po ba ang anak ko?” ang sagot nya….. “Sino po ba kayo?”, oo nga naman, sino nga ba naman ako. Ang sagot ko naman, “Angeles po” habang nagtatalo sa isip ko na alangan namang Kulas ang sabihin ko, edi lalo nya akong di nakilala. At ayun na nga, ang batang nag-iingay ay walang iba kundi ang aking anak.
Mag-isa ako noon, walang mapagshare-an ng saya, dahil ang kasabay kong naghihintay sa waiting area ay may anak na inooperahan naman sa goiter so hindi naman pwedeng nagdidiwang kong sasabihin sa kanya na “TATAY NA AKO!!!!!”. Dinaan ko na lang sa pasimpleng iyak, di ko nga lang kinaya na sa isang mata lang ito lalabas. Tinanong ko agad kung ok lang ba si baby, ok lang ba si misis, healthy po ba, kumusta po, ano po bang susunod… sa dami ng tanong ko, wala naman akong matandaang sagot nila dahil sa overflowing na kaligayahang nadarama ko noon. Panira lang nga si ate nurse dahil habang nagdadrama ako at feel na feel ko ang moment, Inabutan nya ako ng papel sabay sabi, “Pakibili po sa pharmacy”.
Lesson: Ito na yata ang isa sa pinakaimportanteng aral na natutunan o sabihin na nating narealize ko. Sa unang beses na maririnig mo ang iyak ng anak mo, titigil ang mundo mo. Kasabay nito lalawak ang paningin mo sa mga bagay-bagay, makukumpirma na hindi na lang para sayo at sa asawa mo ang buhay nyo. Iikot na ito sa inyong anak. Magiging mabigat ang mga susunod na mga araw, buwan at taon dahil simula sa araw na ito, may isang bagong buhay na ang nakadepende sayo. Kung anong klaseng tao, estado sa buhay, pananaw at pag-iisip ang magkakaron ang batang ito ay pananagutan mo habang nabubuhay ka.
Alam kong tatanda ka anak at balang araw ay iiwan mo kami ng nanay mo pero simula ngayon anak, hanggang sa araw na ibibgay na kita sa lalaking mapapangasawa mo(kung pwede lang hindi, pero sisiguraduhin kong paghihirapan nya ang pagkuha nya sayo mula sa amin), hayaan mong buhusan ka namin ng buong pusong pagmamahal at pag-aalaga. We love you Kaite.