Ang Unang Halik at Yakap, atbp.
Matapos ang saya, matapos ang ligaya ay tinamaan na ako ng antok. Wala akong tulog maghapon dahil sa biglaang caesarian operation ni misis. Kaya’t matapos ang chores ng mga nurse sa akin (mga 3 beses akong pabalik-balik pharmacy at nursery) ay sinubukan kong magpahinga. Di naman ako nahirapan, dahil pagkakain ko ng burger na dapat ay Ultimate Burger Steak, ay naidlip ako. Mga dalawa o tatlong oras din ako natulog at pagkagising ko ay ibabalik na daw sa kwarto nya si misis. Groggy at manhid pa ang kanyang katawan dahil sa anestisya na isinaksak sa kanya. Si baby naman ay naiwan sa nursery, bukas pa daw sya dadalin sa kwarto. Ako, si misis at ang mga lola ay muling na knock-out sa pagod pero natulog ng may kasamang ngiti sa aming mga labi.
Bago manganak si misis ay nag UTI sya dahilan upang iheplock (maliit na swero) si baby dahil according sa blood tests, mataas daw ang count ng WBC nya which is a sign of infection. Yun pala yung pinagbibili ko sa pharmacy. Kailangan swerohan si baby upang mabigyan sya ng antibiotic. Nakakalungkot na sa liit nyang yon, kinukuhanan sya ng dugo at sasaksakan pa ng swero. Pero lahat ito ay kailangang tiisin dahil para rin naman ito sa ikabubuti nya. Dito ko naalala ang karaniwang sinasabi ng nanay ko tuwing hinihika ako noon, na sana siya na lang ang naghihirap kesa ako. At dahan-dahan kong narealize na ang buhay ko, ang buhay naming mag-asawa ay hindi na lang sa amin kundi para sa bagong buhay na ipinagkaloob sa amin.
Dumating ang kinabukasan, excited ang lahat sa pagdating ni baby sa kwarto. Maaga kaming nagising dahil excited kaming makita at mahawakan si baby. Dumating ang nurse kasama ang aming munting anghel, maliit, makapal ang buhok, singkit, maputi(sa ngayon) at maganda. Lahat nakatungaga, lahat nanonood sa pinakabagong kaligayahan ng aming buhay.
Matapos maihatid sa kwarto si baby ay may bago na namang adventures ang tatay sa katauhan ko. Una, kailangan ko iadmit si Baby Girl Angeles, Pangalawa kailangan kong irehistro si Baby Girl Angeles at pangatlo, kailangan kong subukang buhatin si Baby Girl Angeles.
Hiwalay ang billing ng nanay at ng baby kaya kailangang iadmit sa admitting section si baby para magkaron siya ng sarili nyang billing. Ang mga bill na ito ay ang pag gamit ng nursery, pagtingin at pag rounds ng pediatrician at ang mga antibiotic at iba pang gamot na gagamitin kay baby. In fairness sa ospital, may libreng new born baby kit na may kasama pang palanggana at tabo para sa paliligo ni baby. Sa ka mga ka-tatay, siguraduhin nyong maiundergo ng new born screening ang inyong new born baby upang madetect at maagapan kung meron man ang mga usual na sakit na meron ang bata. Kasama na ito sa package ng panganganak sa napili naming ospital.
Upang mairehistro naman ang inyong anak, kailangan nyong gawin ang mga sumusunod:
1. Pumunta sa records section ng ospital at i-fill-out ang form para sa certificate of live birth. Siguro naman sa mga panahong ito ay may pangalan na kayong naisip dahil ito ang isa sa pinakamahalang data na isusulat nyo sa form.
2. Matapos maipasa ang form at magawa ang certificate of live birth, reviewhin nyo itong mabuti dahil ano man ang nakalagay dito ay sya ring lalabas sa birth certificate ni baby. Tandaan, para maiwasan ang hassle in the future, reviewhin nyo na ng maigi ang certificate.
3. Pipirma ang records section ng ospital, ikaw (magulang) at ang doktor na nagpaanak sa misis mo sa certificate of live birth
4. Pumunta ka sa munisipyo ng bayan na pinagpanganakan ni baby. Hanapin ang office of the local civil registrar at magbayad ng Php 60 para sa serbisyo ng pagpapatala. Maganda na ang kalakaran sa gobeyrno, at least sa mga bayan sa Quezon, mabilis ang pila at efficient ang proseso. Sana ganito sa lahat ng government office.
Pangatlo at pinakamahirap sa lahat, kailangan mong matuto magbuhat ng bata. Mahirap, nakakatakot at nakakaba pero sobrang iba ang pakiramdam pag nabuhat mo na sa iyong mga bisig ang batang pinakaalaga-alagaan nyo sa loob ng siyam na buwan.
Ang unang halik at unang yakap sa aking anak na yata ang maituturing kong pinka-memorable na pangyayari sa buhay ko. At wala na akong mahihiling pa kung hindi ang mapalaking malusog, mabait, puno ng pagmamahal at kumpleto sa lahat ng bagay ang batang ito.